Ayoko na ng mga aso.
Una, kasi mabaho ang tae nila. (Okey, mas mabaho sa pusa. Point taken kaya mas ayaw ko ng pusa.)
Pangalawa, kasi kahit ano na lang ang nginingitngit nila. (Hindi chew toy ang tsinelas ko, okey?)
Pangatlo, kasi naghuhukay at nagbabaon sila kahit saan. (Nagiging Jolly Chicken Chicken Cemetery ang garden namin)
Pang-apat, kasi choosy sila sa pagkain. (Kailangan pa ng personal chef!)
Pang-lima, higit sa lahat kasi kahit na totoo ang mga binanggit ko, mamimiss mo pa rin sila kung wala na sila...
Nami-miss ko si Aula.
Labis kalahati rin ng buhay ko na andyan sya. Pitong taong gulang pa lang ako nung inuwi namin sya sa bahay, ngayon dalawampung taon na ako. Kung meron man akong naging karamay sa lahat ng aking pinagdaanan hanggang sa umabot ako sa kung sino ako ngayon, maliban kay Mama, si Aula iyon.
Natuto akong mag-bike, kasama ko syang nag-crash landing sa kanal. Nahulugan ako nga paputok nung isang new year, kasama ko syang nagtago sa kwarto sa takot. Unang pagkakataong iniwan ako sa bahay ng mag-isa, kasama ko syang naghintay sa veranda para hintayin ang pagdating ng iba. Naghiwalay sina Mama at Papa, kasama ko syang umiiyak sa likod ng bahay. Unang crush at heartbreak, tahimik lang syang nakikinig sa lahat ng kakornihan ko. Pumasa ako sa UPCAT, hindi man lang sya nagreklamong iiwanan ko na sya....
Ngayon, ako na ang iniwanan nya. Sa pag-uwi ko ngayong pasko, wala na ang aking bestpren para salubungin ako.
Ayoko na ng mga aso?
Sino ba ang niloko ko?
Sino ba ang niloko ko?
Miss na miss na miss na miss na miss na kita Aula,
Kim
P.S.
Sigurado akong kasama na siya ni Lord ngayon. Paumanhin na lang Lord, medyo makulit yan.
No comments:
Post a Comment
humor me..